10TH PLACER SA LEPT 2026 MULA SA BAYAN NG IBA, ZAMBALES, PINARANGALAN NG SANGGUANG BAYAN MEMBERS

Pillars Central News
2 Min Read

IBA, Zambales – Pormal na kinilala at pinarangalan ng Sangguniang Bayan ng Iba sa pangunguna ni Board Member Carl Eric “Konsi Kuya Carl” B. Rico si Ms. Maxine Abuel Pacheco, ang nagkamit ng ika-10 puwesto sa katatapos na Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) noong Marso 2026.

Ang residente ng Zone 2, Iba ay itinampok sa isang simpleng seremonya bilang pagpupugay sa kanyang kahanga-hangang tagumpay na nagdulot ng karangalan sa bayan at sa buong lalawigan ng Zambales.

Bilang bahagi ng pagkilala, nakatakdang tumanggap si Pacheco ng kabuuang ₱80,000.00 insentibo mula sa lokal at panlalawigang pamahalaan alinsunod sa mga ordinansang isinulong mismo ni Board Member Rico.

Mula sa Lokal na Pamahalaan ng Iba, pagkakalooban siya ng ₱30,000.00 sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 13-01 Series of 2025 o ang Iba Academic Achievers Incentives and Recognition Ordinance.

Samantala, mula naman sa Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, tatanggap siya ng ₱50,000.00 batay sa Provincial Ordinance No. 2025-80 o ang Academic Achievers Incentives and Recognition Ordinance na kapwa akda ni Konsi Kuya Carl.

“Ang tagumpay ni Ms. Pacheco ay hindi lamang tagumpay ng kanyang pamilya kundi ng buong bayan ng Iba.

Patunay ito na sa sipag at determinasyon, kayang abutin ng kabataang Ibaño ang rurok ng tagumpay,” pahayag ni Rico, na patuloy na isinusulong ang programang “Aksyon Edukasyon” para sa mga mag-aaral at guro.

Dagdag pa niya, ang mga insentibong ito ay simbolo ng pagsuporta ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon at pagkilala sa dedikasyon ng mga guro at estudyanteng nagpapatuloy sa kabila ng mga hamon.

Samantala, buong pagpapakumbabang pinasalamatan naman ni Pacheco ang lahat ng sumuporta sa kanyang pag-aaral, lalo na ang lokal na pamahalaan, at nangakong gagamitin ang kanyang propesyon upang magsilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga mag-aaral.

Share This Article