SUBIC, Zambales — Personal na tinutukan ni 1st District of Zambales Representative at Deputy Speaker Jay Khonghun ang mga pamilyang naapektuhan ng malalakas na pag ulan at pagbaha dulot ng habagat sa kanyang distrito upang alamin ang agarang pangangailangan at maihatid ang kinakailangang tulong sa kanyang nasasakupan
Sa Olongapo City, binisita at kinumusta ni Cong. Jay Khonghun ang mga pamilyang inilikas mula sa Barangay New Ilalim, New Kababae, Old Cabalan, Kalaklan at Sta. Rita dahil sa malalakas na ulan dala ng habagat.
Namahagi din ng DSWD Family Food Packs sa mga pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers bilang agarang tulong sa kanilang pangangailangan katuwang ang mga kawani at opisyales ng bawat barangay sa lungsod.
Sa bayan ng Subic, katuwang ng mamababatas ang tanggapan ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Jon Khonghun at Chief of Staff Janjo Khonghun, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at mga lider ng bawat barangay.
Kabilang sa binisita ang mga pamilyang lumikas mula sa mga bahain at tabing dagat na lugar sa Barangay Calapacuan.
Ang mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Calapacuan Elementary School at barangay covered court ay nabigyan ng DSWD Family Food Packs upang matugunan ang kanilang pangangailangan habang nananatili sa evacuation centers.
Pinasalamatan din ni Cong. Jay Khonghun ang pamunuan ng Barangay Calapacuan sa pangunguna ni Kapitana Tita Alver gayundin ang mga rescue at health workers na patuloy na umaalalay sa mga residenteng inilikas.
Sa Castillejos, personal na pinuntahan ng kongresista ang mga evacuation center at kinumusta ang mga pamilyang lumikas at namahagi rin ng mga food box mula sa Department of Social Welfare and Development bilang agarang tulong sa mga apektadong pamilya.i
Isa naman sa matinding tinamaan ng kalamidad ang Barangay Sta. Fe sa San Marcelino matapos masira ang tulay na pangunahing daanan ng mga residente na 12 taon nang pinakikinabangan bago ito napinsala nang tamaan ng malaking punong inanod ng malakas na agos ng ilog.
Dahil sa pagkasira ng tulay naging limitado ang pagpasok at paglabas sa komunidad kaya muling nagtungo si Cong. Jay Khonghun sa Sta. Fe upang maghatid ng DSWD food packs katuwang ang DSWD Region III sa pangunguna ni Regional Director Venus Rebuldela at ang pamunuan ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Rico Diego Arquero.
Ininspeksyon din ni Cong. Jay Khonghun ang nasirang tulay at iba pang imprastraktura sa lugar upang matukoy ang kinakailangang rehabilitasyon at tiniyak na muling magtatayo ng tulay katuwang ang DPWH sa lalong madaling panahon
Tiniyak naman ni Cong. Jay Khonghun na magpapatuloy ang kanilang pag agapay at pagtulong hanggang sa unti unting manumbalik ang kanilang normal na pamumuhay at makabangon ang mga residenteng sinalanta ng habagat.







