OLONGAPO CITY— Tiniyak ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ang makatao at maayos na proseso para sa mga residente ng Barangay Gordon Heights na maaaring maapektuhan ng isang napipintong demolisyon.
Ito ang naging pangunahing layunin ng isinagawang Pre-Demolition Conference, kung saan personal na dumalo si City Councilor Vic-Vic Magsaysay, bilang Chairperson ng Komite sa Urban Poor.
Kasama ni Barangay Captain Echie Ponge, pinangunahan ni Konsehal VVM ang pulong na naglalayong magsilbing plataporma para sa malinaw na komunikasyon sa pagitan ng mga kinauukulan.
“Ang ating pangunahing layunin dito ay masiguro na naipapaliwanag nang tama ang proseso sa magkabilang panig at patibayin na susundin natin ang batas para sa proteksyon ng karapatan ng lahat,” pahayag ni Konsehal VVM sa pulong.
Binigyang-diin ng konsehal na sisiguraduhin ng komite na magiging patas ang hakbang hindi lamang sa mga claimants o may-ari ng lote, kundi maging sa mga kasalukuyang naninirahan dito (occupiants).
Isa rin sa pinakahighlight ng pagpupulong ang pangako ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ng tamang benepisyo at tulong ang mga kwalipikadong apektadong pamilya, alinsunod sa itinakda ng batas.
Kasama ring dumalo sa nasabing conference sina City Director ng DILG na si Sir Jeffrey Manalastas, kasama ang mga kinatawan mula sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), Sheriff, Commission on Human Rights (CHR), Urban Poor Barangay Secretary (UBSP), City Social Welfare and Development (CSWD), at ng kapulisan.
Patuloy naman ang pagsubaybay ng tanggapan ni Konsehal VVM sa usapin upang masiguro ang kapakanan ng bawat pamilyang Gordon Heights.



