Ipinakita nitong Huwebes ng content creator na si Jack Argota na nakatanggap na siya ng subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI), kasunod ng naunang pahayag ng ahensya na posible siyang patawan ng summons kaugnay ng isang isyu na iniuugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang Facebook post, ipinakita ni Argota ang larawan ng subpoena at sinabi niyang personal itong inihatid ng mga tauhan ng NBI sa kanilang bahay.
“May SUBPOENA nako! Sa wakas dumating din haha! ,” caption niya.
Dagdag pa niya, “Salamat National Bureau of Investigation sa paghatid dito sa bahay, may maikling kwentuhan at tawanan haha! See you mga Boss!”
Nauna nang sinabi ni NBI Acting Director Lito Magno sa isang panayam na maaaring ma-subpoena si Argota kaugnay ng umano’y pagpapakalat ng pekeng medical record na iniuugnay kay Pangulong Marcos.


