PANSAMANTALANG SUSPENDIDO ANG 26 NA BUS NG VICTORY LINER MATAPOS ANG BANGGAAN SA BENGUET; 1 PATAY, 95 SUGATAN

Pillars Central News
2 Min Read

LUNGSOD NG BAGUIO – Pansamantalang ipinatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng 26 na bus ng Victory Liner kasunod ng matinding banggaan ng dalawang sasakyan ng kompanya sa Tuba, Benguit na ikinasawi ng isang pasahero at ikinasugat ng 95 pang katao.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, kasalukuyan nang iniimbestigahan ng ahensiya ang insidente upang matukoy ang pananagutan ng kompanya.

Sa ngayon, nakatuon muna ang LTFRB sa pagtulong sa 95 sugatang pasahero, kabilang ang mga nakaconfine sa mga ospital sa Benguet at La Union.

“Inatasan na rin ni Mendoza ang LTFRB Regional Office na alamin ang kalagayan ng mga biktima at tiyaking natutugunan agad ang kanilang mga pangangailangang medikal,” pahayag ng LTFRB.

Ani Mendoza, nakikipag-ugnayan din ang LTFRB at ang insurance provider nito upang mapabilis ang pagbibigay ng insurance claim at iba pang ayuda sa mga pasahero.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bumibiyahe patungong La Union ang isang Victory Liner bus noong Sabado nang magkaroon ito ng problema sa makina habang paakyat sa kalsada.

Dahil dito, nabangga nito ang isa pang Victory Liner bus na nasa kabilang linya at isang SUV bago sumalpok sa konkretong harang at tumaob. Karamihan sa mga nasugatan ay sakay ng tumaob na bus.

Naglabas na rin ang LTFRB ng show cause order laban sa kompanya at pinagpapaliwanag ito kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang prangkisa kaugnay ng insidente.

TAGGED:
Share This Article