By: Jennifer R. Go
SAN MARCELINO, Zambales — Pinangunahan ni Gob. Hermogenes “Jun” Ebdane Jr. ang masusing paggabay sa mga alkalde ng Zambales kaugnay sa pinaigting na paghahanda sa kalamidad, partikular na sa banta ng malakas na lindol o “The Big One,” sa ginanap na Zambales Mayors League Monthly Meeting noong ika-14 ng Abril.
Idinaos ang pagpupulong sa Mateo’s Farm sa Barangay Nagbunga, San Marcelino, sa pangunguna ni San Marcelino Mayor Elvis Soria at League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Zambales Chapter President Botolan Mayor Omar Ebdane.
Sa kanyang talumpati bilang Punong Lalawigan, personal na ginabayan ni Gob. Ebdane ang mga lokal na ehekutibo sa pagrerepaso at pagpapabuti ng kani-kanilang contingency plan.
Nagkaroon ng “on-time scenario” kung saan inilahad ng bawat Municipal Mayor, kasama ang kani-kanilang Camp Management Officers at Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) Councils, ang kanilang mga estratehiya para sa kaligtasan ng kanilang nasasakupan.
Kabilang sa tinalakay na priority hazards ng bawat bayan ang:
· Lindol
· Tsunami
· Landslide
· Sunog
· Oil Spill
Mahigpit na tinutukan ng pulong ang mga hakbang na dapat isaalang-alang upang mapaghandaan ang “The Big One,” ang kinatatakutang malakas na pagyanig mula sa West Valley Fault na maaaring makaapekto maging sa Central Luzon.
Sa pakikipagtulungan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa ilalim ng pamumuno ni G. Rolex Estella, tiniyak ng kapitolyo na ang bawat plano at koordinasyon ng mga munisipalidad ay naaayon sa itinakdang pamantayan at karanasan.
Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng maayos at mabilis na komunikasyon ng bawat opisyal sa oras ng sakuna. Tinalakay rin ang wastong pagbuo ng mga evacuation maps, road maps, at ang sistematikong pagkilos ng bawat komunidad.
“Ayusin natin ang mga contingency plan natin, patuloy tayong magpupulong hangga’t maisaulo natin… pati ’yung mga equipment natin, dapat nakahanda agad para nandiyan na sa oras ng sakuna,” ang mariing pahayag ni Gob. Jun Ebdane sa mga alkalde.
Sa ilalim ng gabay ng Pamahalaang Panlalawigan, patuloy na pinagtitibay ang kahandaan ng bawat bayan upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Zambaleño sa anumang darating na sakuna.




