BARANGAY GORDON HEIGHTS – Muling nagsama-sama ang iba’t ibang sektor ng barangay para sa isang makabuluhang “Sunday Light Moments” kasama si Kapitan Echie Ponge.
Layon ng pagpupulong na pag-usapan ang lingguhang tasking at koordinasyon ng bawat grupo upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa ating nasasakupan.
Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga masisipag na miyembro ng Gordon Heights Emergency Response Unit Fire & Rescue (GHERU FR), mga kagawad ng BPAT, ang mga BHW mula sa Gordon Heights Health Center, kasama ang mga Purok Leaders, at mga miyembro ng Kalikasan at Sanitation.
Isang mahalagang anunsyo ang ginawa ni Kapitan Ponge kaugnay ng koleksyon ng basura. Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, hiniling ng kapitan ang kooperasyon ng lahat ng residente upang makatipid ang pamahalaang barangay.
“Upang hindi na ulit na umikot pa nang dalawang beses ang ating mga truck ng basura at nang makatipid tayo sa gasolina, nakikiusap po ako na ibababa na lamang ang ating mga basura tuwing araw ng Miyerkules at Sabado, mula alas-singko hanggang alas-syete ng umaga,” pahayag ni Kap. Ponge.
Ibig sabihin, isang beses lamang magroronda ang mga trak ng basura sa mga nabanggit na araw, kaya mahalagang masunod ang iskedyul.
Bukod sa basura, pinag-usapan din ang paghahanda para sa nalalapit na tag-ulan. Hinikayat ni Kapitan Ponge ang lahat na mag-doble kayod sa paglilinis at pagtatakip sa mga kanal upang maiwasan ang anumang disgrasya o pagbaha sa ating lugar.
Samantala, patuloy naman ang inisyatiba ni Kagawad Lacaba para sa pagpapa-ilaw sa madidilim na bahagi ng barangay, bilang bahagi ng programa para sa kaligtasan ng bawat isa.
Nagbigay din ng magandang balita si Kapitan Ponge tungkol sa proyekto sa kapaligiran. Sisimulan na ang pagtatayo ng “Materials Recovery Facility (MRF)” sa Acacia Park.
Ipinaliwanag ng kapitan na ang MRF ay isang pasilidad sa komunidad kung saan pinaghihiwalay, pinoproseso, at pansamantalang iniimbak ang mga nakolektang nabubulok (compostable) at mga balik-gamit (recyclable) na basura.
“Ang layunin po nito ay mabawasan ang basurang napupunta sa landfill, makatulong sa kalikasan, at maging kapaki-pakinabang ang ating mga basura alinsunod sa RA 9003,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat si Kapitan Ponge sa lahat ng mga public servants at sa suporta ng bawat isa sa barangay.
“Sama-sama po tayo para sa mas progresibong Barangay Gordon Heights. May God be with us,” mensahe ni Kap. Echie Ponge sa kanyang mga nasasakupan.



