IBA, Zambales — Nagkakaisang hinirang ng mga bagong halal na opisyal ng Ramon Magsaysay Zambales Council (RMZC) ng Boy Scouts of the Philippines si Zambales Governor Hermogenes Edejer Ebdane Jr. bilang kanilang chairman sa ginanap na emergency meeting ng konseho nitong Miyerkules sa bayan ng Iba, Zambales.
Pinasinayaan sina Ebdane at ang 11 iba pang bagong halal na opisyal ni regional scouting director Michael Indoma, na sinaksihan naman ni William Fallorin, ang officer-in-charge ng Zambales Schools Division Office.
Sa kanyang mensahe, nangako si Ebdane ng mga bagong programa upang mahikayat ang mas maraming kabataang lider na sumali sa Boy Scouts of the Philippines.
Hinikayat din niya ang mga scout leader na sumailalim sa mga kaugnay na pagsasanay at programa sa pagpapaunlad ng kasanayan upang umangat sa kanilang mga ranggo.
“Simula ngayong araw na ito, hahanap tayo ng paraan upang makalikom ng pondo. Dahil maraming mag-aaral ang gustong maging scout, ngunit walang pera pambili ng sarili nilang uniporme. Papayagan natin silang sumali at bibigyan natin sila ng kanilang mga uniporme sa scouting,” pahayag ni Ebdane.
“Gagawin nating basehan sa promosyon ng ranggo ang pagsasanay sa scouting, kasanayan mula sa haba ng panahon ng paglilingkod. Walang scout ang made-demote nang hindi dumaraan sa pagsusuri ng panel ng Lupon ng RMZC,” dagdag pa niya.
Kabilang sa mga bagong halal na opisyal ng RMZC sina: Engr. Ferdie Dagsaan bilang first vice chairman, George Acupan bilang second vice chairman, Emmanuel Manny Adaoag bilang treasurer, Loida Medrano bilang assistant treasurer, at Allan Carbonel bilang auditor.
Ang mga board member naman ay sina Jay Morados, Romeo Fastidio, Doris Ramos Daria Ladines, Pastor Ferlipe Laderas, Rolex E. Estella at Engr. Julio Arbolente.
Ang mga board member mula sa pribadong sektor ay sina Ann Yap, Daimary Palaganas, Ariel Cervantes, Glenn Manangan, Jay Dilag, Richard Doctolero, Melinda Punzalan, Lilia Rosete at Edel Beltran.
“Good luck sa RMZC Scouting Council. Tayo ang bagong set, isang bagong simula sa scouting,” wika ni Ebdane.


