BATAAN – Nasawi ang isang 17-anyos na babaeng estudyante matapos masangkot sa isang malagim na aksidente sa National Road, Brgy. Calaylayan, Abucay, Bataan alas-12:30 kaninang tanghali.
Kinilala ang biktima na si Lovely residente ng Brgy. Lalawigan, Samal, Bataan na bagong transfer lang ng school sa lugar at. Idineklara siyang dead on the spot matapos masagasaan sa ulo.
Batay sa ulat ng pulisya, tatlong sasakyan ang sangkot sa naganap na insidente:
Isang passenger bus na biyaheng San Fernando–Balanga na minamaneho ng isang 47-anyos na drayber mula sa Brgy. Capitangan, Abucay;
Isang Honda motorcycle na minamaneho naman ng biktima;
At isang bisikleta na minamaneho ng isang 40-anyos na residente ng Brgy. Lote, Balanga City.
Ayon sa paunang imbestigasyon, pawang northbound ang direksiyon ng tatlong sasakyan.
Habang binabaybay umano ng motorsiklo ang shoulder ng kalsada, bumangga ito sa bisikleta, dahilan upang tumama naman ang motorsiklo sa kanang hulihang bahagi ng bus at naging dahilan para mapailalim ang biktima sa bus at masagasaan.
Agad rumesponde ang Abucay Rescue Team na pinamunuan ni Ryan Mamalateo sa lugar.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Damage to Property laban sa sangkot sa aksidente.





