NCIP KINONTRA ANG ILANG ALEGASYON SA TV DOCUMENTARY, REHABILITASYON SA DUMPSITE INIREKOMENDA

Pillars Central News
3 Min Read

Subic, Zambales – Nagsagawa ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region III ng validation sa kontrobersyal na dumpsite na nasa loob ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ng Ayta Ambala sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic at iginiit na walang ebidensiyang nagpapatunay na may mga pamilyang Ayta na sapilitang pinaalis sa kanilang tirahan dahil sa naturang dumpsite.

Sa inilabas na Memorandum No. R3-2024-07-2894, Series of 2026 ni Regional Director Atty. Joyce Lapuz, nagsagawa sila ng pagsusuri upang alamin ang tunay na kalagayan ng dating dumpsite kung may nalabag na mga karapatan ng Ayta Ambala sa ilalim ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA).

Batay sa pahayag ng mga miyembro ng Tribal Council ng Barangay Naugsol, inamin nila na pumayag silang magamit ang lugar bilang pansamantalang dumpsite matapos magkaroon ng konsultasyon sa pagitan
ng LGU Subic noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Hindi rin matiyak ng NCIP ang usapin sa umano’y buwanang 10,000 na ibinibigay sa komunidad dahil sa magkakaiba ang naging salaysay ng mga residente kung ito ba ay para sa dumpsite o dati ng tulong ng LGU sa
mga katutubo bago pa magkaroon ng dumpsite.

Nilinaw ng NCIP na ang lugar na ginamit bilang dumpsite ay hindi dating tirahan ng mga Ayta at walang natuklasang ebidensiya na may mga bahay na giniba o mga residenteng sapilitang pinalikas.

Karamihan umano sa mahigit kumulang na 87 pamilya o katumbas ng 435 na indibdwal na Aeta ay naninirahan sa karatig na Sitio Alibang habang ang ilang kabahayan sa Sitio Tibag ay may sapat na layo ang distansya
mula sa dating dumpsite taliwas sa ipinalabas na dokumentaryo na nasa
paligid lamang ng dumpsite.

Kinontra din ng Komisyon ang pahayag na kontaminado ang tubig, wala umanong nakitang sapat na batayan ang NCIP upang sabihing nakontamina ang mga ilog o iba pang anyong tubig sa lugar.

Mariing pinabulaanan din ng mismong komunidad ang naturang alegasyon at sinabi ng Komisyon na kinakailangan ng teknikal at siyentipikong pagsusuri kabilang ang water quality testing bago makapagbigay ng
pinal na konklusyon hinggil sa kontaminasyon.

Sa ginawang pagbisita ng NCIP sa dumpsite noong July 17, 2026 wala silang naamoy na mabahong amoy at wala ring naobserbahang hindi pangkaraniwang dami ng langaw o iba pang insekto.

Gayunpaman, inirekomenda ng NCIP ang agarang rehabilitasyon ng dating dumpsite sa pakikipagtulungan ng komunidad at ng NCIP upang matiyak ang transparency, pananagutan at pangangalaga sa karapatan ng mga Ayta Ambala.

Inirekomenda rin nito na ang lahat ng proyekto sa loob ng ancestral domain ay dapat may wastong koordinasyon sa NCIP, kumpletong permit at awtorisasyon bago ipatupad.

Sinabi naman ng Komisyon sa LGU Subic na dapat tuparin nito ang ipinangakong rehabilitasyon sa dating dumpsite alinsunod sa mga pamantayang pangkapaligiran at sa interes ng komunidad ng mga
katutubo.

Share This Article