IBA, Zambales – Isang mahalagang hakbang tungo sa de-kalidad na edukasyon ang ginanap ngayong araw sa lalawigan ng Zambales sa pamamagitan ng pormal na pagtanggap ng Schools Division Office (SDO) sa bagong Zambales Training Center.
Ang seremonya ng turn-over at blessing ay naging simbolo ng matibay na pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales at ng Department of Education (DepEd) Zambales.
Sa pangunguna ni Governor Hermogenes “Jun” Ebdane Jr., isinagawa ang simbolikong pagsasalin ng susi at pangangalaga ng training center kay Schools Division Superintendent (SDS) Dr. William Roderick R. Fallorin, CESO VI.
Binigyang-diin ni Gov. Ebdane ang habang panahong layunin ng proyekto: “Hindi natin ito ginagawa para sa atin ngayon lang, kundi para sa mga susunod na henerasyon ng mga kabataan.” Idinagdag niya ang komitment ng kanyang tanggapan na patuloy na isulong ang mga pangunahing pangangailangan sa sektor ng edukasyon.
Tumanggap naman ng mga state-of-the-art na kagamitan ang training center, kabilang ang mga high-end television screens, projector screen, at mga bagong silid-aralan.

Ang mga ito ay tutugon sa pagsasanay ng mga guro at iba pang mahahalagang programa ng DepEd Zambales.
Bilang pagtugon, ipinahayag ni SDS Fallorin ang taos-pusong pasasalamat sa suporta ng gobernador. “Public service is always a quality service. Suklian natin ang pagmamahal ni Gov. Jun ng kahusayan sa ating tungkulin. Susuklian namin ito ng quality education sang-ayon sa pangarap ni Gov. Ebdane para sa bawat Zambaleño,” pahayag ni Fallorin.
Ang SDO Zambales Training Center ay inaasahang magsisilbing pangunahing hub para sa paglinang ng kakayahan ng mga guro at kawani ng DepEd.
Ito ay isang malinaw na patunay sa nagkakaisang adhikain ng lokal na pamahalaan at ng DepEd na itaas ang antas ng edukasyon para sa buong lalawigan.



