OLONGAPO CITY – Kasalukuyang agaw buhay ang isang aso matapos pokpukin sa ulo ng kapitbahay na isang insidente ng kalupitan sa hayop ang naganap sa isang compound sa barangay Mabayuan sa lungsod ng Olongapo.
Ayon sa may-ari ng aso, dakong alas-7 hanggang alas 8:00pm ng gabi ng nang makatakas ang kanilang furbaby sa kanyang kulungan at naka pagpalaboy-laboy sa loob ng compound ng dalawang oras. Hindi umano nila alam na nakalabas ito.
Dahil lamang umano sa nadumihan ang hagdanan ng kapitbahay dahil sa dumi ng aso, inabangan umano ito ng mga suspect na may hawak na pamukpok. Sa sandaling bumaba ang aso mula sa terrace ng kanilang bahay, agad itong pinukpok sa ulo na nakunan ng CCTV bandang alas-9:00 na ng gabi.
“Walang kalaban-laban ang aso namin. Talagang inabangan nila habang may hawak na pamukpok. Sa tagal naming nag-aalaga ng aso, ngayon lang namin naranasan ito,” pahayag ng may-ari ng aso.
Dahil sa matinding bugbog sa ulo, kasalukuyang nag-aagaw-buhay ang aso sa Olongapo Animal Hospital.
Madalas din umano itong inaatake ng seizure.
Masakit pa rin daw sa pakiramdam ng mga may-ari na posibleng hindi makamit ang hustisya dahil menor de edad umano ang suspect. Bukod dito, holiday pa ngayon at weekend kaya sa Lunes pa raw sila makakapaghain ng kaso.
“Sana po matulungan niyo po kami tulad ng ibang biktima ng animal cruelty,” pakiusap ng may-ari.
Umaapela na ngayon ang pamilya sa tulong ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), FOUR PAWS, Animal Kingdom Foundation, Philippine Animal Rescue Team (P.A.R.T.), at Daily Mail Animals upang mabigyang pansin ang insidente at masiguro ang kapakanan ng kanilang alaga at ng iba pang mga hayop sa kanilang lugar.
Patuloy ang imbestigasyon at naghihintay ngayon ang mga awtoridad sa pormal na reklamo na isasampa ng mga biktima.

CTTO


