STA. CRUZ, Zambales – Agad na umaksyon si Zambales 2nd District Representative Doris “Nanay Bing” Maniquiz upang magbigay tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mapaminsalang sunog na naganap hapon araw ng Lunes (Feb. 16) sa Barangay Biay, bayan ng Sta. Cruz.
Sa pamamagitan ng kanyang “Kalingang Nanay” Bing Staff, mabilis na naibaba ang relief operations sa ground upang masigurong hindi magugutom at magdurusa nang matagal ang mga kababayan nating nawalan ng tirahan.
Kabilang sa agarang ipinamahagi ni Nanay Bing sa bawat pamilyang nasunugan ang tig-25 kilong bigas, food packs na naglalaman ng pangunahing pangangailangan, cash assistance na nagkakahalagang Php 15,000.00, at mainit at masarap na Aroz Caldo upang maibsan ang kanilang gutom at lamid habang nag-aayos ng pansamantalang masisilungan.
Hindi rito nagtatapos ang pag-agos ng tulong mula sa mambabatas. Ayon sa kanyang tanggapan, agad din nilang ilalapit ang mga biktima ng sunog sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan pa ng karagdagang Cash Relief Assistance.
Layunin nitong masiguro na may sapat na pondong magagamit ang mga pamilya upang makabangon at makapagsimula muli.
Binigyang-diin ng kampo ng Kongresista na ang kanilang agarang pagtugon ay patunay na ang puso ng isang Ina ay laging handang umalalay at hindi pababayaan ang kanyang mga anak, lalo na sa oras ng sakuna at matinding pangangailangan.
“Mahal kayo ni Nanay Bing!” Ito ang naging mensahe ng kanyang tanggapan sa mga residente ng Barangay Biay.




