Patay ang isang 50-anyos na lalaki matapos tagain ng kanyang katrabaho sa loob ng isang farm sa Barangay Tumarbong, Roxas, Palawan, kahapon ng umaga, Pebrero 11, 2026.
Kinilala ng Roxas Municipal Police Station (MPS) ang biktima sa alyas na “Richard,” residente ng Leyte, habang ang suspek ay si alyas “Fred,” 41, tubong Negros Occidental. Naganap ang insidente bandang alas-7:30 ng umaga sa loob ng pinagtatrabahuhan ng dalawa.
Batay sa paunang imbestigasyon, kumakain umano ng buko ang biktima nang lapitan ito ng suspek. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa biglaang pananaga ng suspek. Tinamaan sa leeg ang biktima at agad na nasawi bago pa man madala sa pagamutan.
Matapos ang krimen, kusang loob namang sumuko ang suspek sa punong barangay ng Tumarbong. Narekober sa pinangyarihan ang isang 23-pulgadang itak na ginamit sa pananaga.
Ayon sa Roxas MPS, lumalabas sa imbestigasyon na dating alitan ng dalawa ang siyang naging ugat ng insidente. Nakakulong na ngayon sa himpilan ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong pagpatay.


