METRO, MANILA – Umabot sa 18,934 ang kabuuang bilang ng hindi rehistradong sasakyang motor na nasabat ng Land Transportation Office (LTO) nitong buwan ng Mayo 2025.
Ito ay dahil sa patuloy na pinaiigting ng ahensya, sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon, ang kampanya upang pilitin ang mga pasaway na motorista na mag-renew ng kanilang expired na rehistrasyon.
Ito ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada.
Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na karamihan sa mga nasabat sa buwang operasyon nitong Mayo ay motorsiklo at traysikel, na may bilang na 12,206 at 3,105, ayon sa datos .
“Mananatiling agresibo ang aming kampanya hanggang sa mapilitan ang mga sasakyang ito na tuparin ang kanilang obligasyong magparehistro. Sapagkat sa pamamagitan ng rehistrasyon lamang nasusuri kung ligtas at karapat-dapat sa kalsada ang mga sasakyan,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Nasabat din ang hindi bababa sa 1,800 van at mahigit 1,000 pribadong sasakyan, samantalang ang natitira ay binubuo ng pampasaherong jeepney, bus, at trak.
Batay sa datos ng LTO, nanguna sa pagpapatupad ang LTO-Rehiyon 4A (Calabarzon) na may 9,906 na nasabat, sinundan ng LTO-Rehiyon 4B (Mimaropa) at LTO-Rehiyon 2 (Cagayan Valley).
Isinasagawa ng LTO ang kampanya laban sa mga hindi rehistradong sasakyan sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agency.
Hinimok naman ni Asec. Mendoza ang mga may-ari ng sasakyan na magparehistro para maiwasan ang malaking multa.
Aniya, ang pagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan ay may multang P10,000.
“Hindi lamang ito bahagi ng inyong obligasyon bilang may-ari ng sasakyan, kundi bahagi rin ito ng inyong responsibilidad hindi lamang para sa inyong kaligtasan kundi maging ng inyong pamilya,” dagdag ni Asec. Mendoza