MANILA, Philippines — Sinigurado ng Department of Health (DOH) na masinsin nilang mino-monitor ang mga trend ng Covid-19 sa bansa, kasabay ng pagtaas ng mga kaso sa ilang rehiyon ng Southeast Asia.
Ayon sa ahensya, patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga mekanismo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang makakuha ng verified na datos at masiguro ang kahandaan ng bansa, bagamat wala umanong dapat ikabahala ang publiko.
Batay sa pinakabagong datos ng DOH hanggang Mayo 3, 2025, umabot sa 87% ang pagbaba ng mga kaso at pagkamatay dulot ng Covid-19 kumpara sa 2024.
Sa kasalukuyang taon, 1,774 na kaso ang naitala, mas mababa nang husto sa 14,074 na kaso noong nakaraang taon.
Ang fatality rate ay nananatiling mababa sa 1.13%, habang patuloy na bumababa ang bilang ng mga bagong kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo. Mula 71 kaso noong Marso 23–Abril 5, 2025, bumaba ito sa 65 kaso sa Abril 6–19.
“Nakahanda kaming magbigay ng agarang update kung magbabago ang sitwasyon. Hinihikayat namin ang lahat na manatiling informed sa pamamagitan ng opisyal na DOH channels at ipagpatuloy ang pag-iingat,” pahayag ng ahensya.
Samantala, iniulat ng “Times of India” ang pagtaas ng mga kaso sa ilang bahagi ng Asya, kabilang ang Hong Kong at Singapore, na nagdulot ng pag-aalala sa rehiyon.
Giit ng DOH, hindi ito direktang magdudulot ng banta sa Pilipinas dahil sa epektibong surveillance at health protocols na ipinatutupad.
Paalala ng DOH:
- Magpabakuna o booster shot.
- Iwasan ang mataong lugar kung may
sintomas. - Gamitin ang official DOH platforms para sa verified na impormasyon.
Patuloy na binabalaan ang publiko laban sa fake news, lalo sa gitna ng mga ulat ng pagtaas ng kaso sa karatig-bansa.