Hindi kuntento si First District Zambales Representative Jay Khonghun sa naging paliwanag ng pamunuan ng ZAMECO II kaugnay ng sunod sunod na reklamo ng mga consumer sa umano’y napakataas na singil sa kuryente.
Kasunod ito ng pakikipagpulong kay ZAMECO II General Manager Romwil De Jesus na kung saan hindi sapat ang mga naging paliwanag at kailangang maramdaman ng mga mamamayan ang tunay na pagbaba ng kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
“Hindi tayo kuntento sa sagot. Kailangan bumaba ang singilin sa kuryente,” Ayon kay Cong. Jay
Dahil dito, inihayag ni Cong. Jay na maglalabas ng subpoena ang Kamara de Representantes upang papuntahin sa pagdinig ang mga opisyal ng ZAMECO II at Olongapo Electricity Distribution Company (OEDC) upang maipaliwanag ang isyu sa mataas na singil sa kuryente at masagot ang mga hinaing ng mga consumer.
Ang hakbang ni Cong. Jay sa pakikipag usap sa pamunuan ng ZAMECO II matapos umapaw ang mga reklamong natanggap ng kanyang tanggapan mula sa mga residente ng Zambales.
Ilan sa mga reklamo ay mula sa mga pamilyang nagsabing ang kanilang dating humigit kumulang P1,500 na buwanang bayarin sa kuryente ay biglang umabot sa halos P6,000, dahilan upang mabigatan ang kanilang gastusin.
Sa ginanap na pag uusap, isa isang inilatag ni Cong. Jay ang mga reklamo ng mga consumer at hiniling na magkaroon ng malinaw na paliwanag at konkretong hakbang upang mabawasan ang epekto ng mataas na singil sa kuryente.
Sa kasalukuyan umaabot sa tinatayang 98,000 consumer ang miyembro ng ZAMECO II, kabilang ang mga household, commercial at industrial consumers mula Subic hanggang Cabangan, Zambales.
Sa kabila nito, tiniyak ni Cong. Jay na hindi siya titigil sa pagbabantay sa isyu at pananagutin ang mga kinauukulan hanggang matiyak na magiging makatarungan, malinaw at patas ang paniningil sa kuryente sa mga mamamayan ng Unang Distrito ng Zambales.


