STATE OF WATER EMERGENCY, IDINEKLARA SA SUBIC, PUMPING MACHINE ININSPEKSYON

Pillars Central News
2 Min Read

Subic, Zambales — Nagdeklara na ng State of Water Emergency ang pamahalaang bayan ito sa pamamagitan ni Mayor Jonathan “Jon” Khonghun matapos ang sunud-sunod na reklamo ng mga residente kaugnay sa mahina at hindi maayos na suplay ng tubig sa ilang barangay at business areas sa bayan.

Batay sa ipinalabas na Executive Order na may petsang Mayo 11, 2026, sinabi ni Mayor Khonghun na kinakailangan nang magsagawa ng agarang aksyon dahil sa madalas na pagkawala ng tubig, mahinang pressure, mabagal na restoration ng serbisyo at lumalalang hinaing ng publiko laban sa serbisyo ng tubig sa Subic.

Kahapon at personal na nagsagawa ng inspeksyon si Mayor Khonghun sa mga water facilities at pumping stations sa kanilang bayan upang tiyakin ang pagpapatuloy ng emergency response operations.

Sa isinagawang inspeksyon, napag-alamang muli nang gumagana ang mga pumping machine ng PrimeWater Infrastructure Corporation at Village Water dahilan upang muling magkaroon ng suplay ng tubig sa ilang apektadong residente at komunidad.

Sa kabila nito, nagbabala si Khonghun sa PrimeWater at Village Water na hindi magdadalawang-isip ang lokal na pamahalaan na i-takeover ang kanilang operasyon sakaling maulit pa ang kakulangan o matagal na pagkawala ng suplay ng tubig sa Subic.

Sa ilalim ng Executive Order, inaatasan ang lahat ng tanggapan ng munisipyo na may kakayahang logistikal kabilang ang water tankers, fire trucks, utility vehicles at heavy equipment na tumulong sa pamamahagi ng tubig sa mga kritikal na apektadong lugar.

Pinahihintulutan din sa ilalim ng Executive Order ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga national agency tulad ng Local Water Utilities Administration (LWUA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at National Water Resources Board (NWRB) upang maresolba ang krisis sa tubig sa bayan.

Tiniyak naman ng mga lokal na opisyal na magpapatuloy ang emergency augmentation at mahigpit na monitoring sa operasyon ng tubig hanggang tuluyang maibalik ang normal at maaasahang serbisyo sa lahat ng apektadong komunidad.

TAGGED:
Share This Article