ICC AT PILIPINAS : Pananagutang Hindi Matatakasan

Pillars Central News
4 Min Read

May mga kasalanang hindi kayang takasan sa pamamagitan lamang ng isang lagda.

Iyan ang mariing ipinaaalala ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) na mananatili ang hurisdiksiyon nito sa mga diumanong krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, sa kabila ng pag-atras ng bansa sa Rome Statute.

Noong Marso 17, 2019, naging epektibo ang paghihiwalay ng Pilipinas sa pundasyon ng ICC. Subalit nilinaw ng Appeals Chamber ng korte noong 2026 na hindi nabubura ng pagtalikod ang obligasyon para sa mga paglabag na ginawa habang tayo ay miyembro pa.

Ang nakataya rito ay hindi isang teknikalidad ng batas internasyonal, ang nakataya ay katarungan para sa libo-libong buhay na biglang pinatid sa ilalim ng bandila ng “war on drugs.”

Nakatuon ang imbestigasyon sa madugong kampanya na nag-iwan ng mga bangkay sa mga lansangan, mga pamilyang wasak, at mga komunidad na namatayan nang walang pagkakataong ipagtanggol ang sarili sa hukuman.

Mga alegasyon ito ng sistematiko at malawakang pagpatay na labas sa normal na operasyon ng batas. Kung totoo ang sinasabi ng maraming testigo at dokumento, hindi simpleng “pagkakamali sa operasyon” ang nangyari, krimen ito laban sa ating sariling pagkatao.

Paulit-ulit na iginiit ng ilang opisyal na walang hurisdiksiyon ang ICC dahil may gumaganang sistemang panghukuman ang Pilipinas.

Ngunit mismong ang prinsipyo ng complementarity na binanggit nila ang sumasagot sa puntong ito: pumapasok lamang ang ICC kapag ang isang estado ay walang kakayahan o walang tunay na kagustuhang litisin ang sariling mga pinaghihinalaang lumabag.

Ang pagbasura ng Appeals Chamber sa apela noong 2026 ay isang malinaw na senyales na hindi naging sapat ang pag-imbestiga sa loob ng bansa para maisara ang usapin.

Ang argumentong “soberanya” ay dapat unawain nang wasto. Ang soberanya ay hindi isang lisensya para puksain ang sariling mamamayan nang walang pananagutan.

Nang kusang pumirma ang Pilipinas sa Rome Statute, kusang-loob din nitong ibinigay ang bahagi ng soberanya nito sa iisang layunin: tiyaking walang sinumang makapangyarihan ang makalalampas sa katarungan, gaano man kataas ang kanyang posisyon.

Ang desisyong ito ng ICC ay isang tagumpay hindi lamang ng mga biktima kundi ng ideya na ang batas ay panangga ng mahihina. Sa panahong tila namimihasa ang kultura ng impunidad, mayroong isang pandaigdigang tinig na nagsasabing, “Huli na, ngunit darating ang hustisya.”

Hindi pa tapos ang laban. Marami ang nananahimik dahil sa takot. Marami ang nagdududa kung may saysay pa ba ang paghahabol ng katotohanan. Ngunit sa bawat pahinang binubuo ng prosekusyon ng ICC, may pangalang isinusulat pabalik sa kasaysayan, hindi na lamang bilang istatistika, kundi bilang taong may kwento at karapatang mabigyan ng katarungan.

Ang tanong sa harap natin ngayon ay hindi kung makikialam ang ICC.
Ang tanong ay kung makikinig tayo, kung haharapin natin ang repleksyon ng nakaraan, at kung handa tayong tiyakin na ang madilim na kabanatang ito ay hindi na mauulit.

Ang hurisdiksiyong iyan na umabot kahit lampas sa petsa ng ating pagtalikod ay patunay na sa usapin ng krimen laban sa sangkatauhan, ang mundo ay nagbabantay. At ang katarungan, gaano man katagal, ay may paraan para umabot.

Share This Article