SA GITNA ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at ang halos araw-araw na pagbabawas ng kita ng ating mga tsuper ng tricycle, ang anumang anyo ng subsidy o ayuda ay itinuturing na biyaya.
Dapat sana itong simpleng transaksyon: nagbigay ng pondo ang pamahalaan, at tinanggap ito ng mga benepisyaryo para may maipambili ng gasolina, may maipangkain sa pamilya, o may maipantustos sa matrikula ng anak.
Ngunit bakit sa tuwing may ayuda para sa Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA), laging may nakasingit na mukha ng pulitiko na animo’y siyang nagbigay ng sariling pera?
Ang pagiging “epal” o ang labis na pagpapapansin at pagnanakaw ng eksena ay isang sakit ng sistemang pulitikal ng Pilipinas na tila walang lunas. Imbes na ipaubaya sa tanggapan ng DSWD o lokal na pamahalaan ang maayos at tahimik na distribusyon, ginagawa itong mini-rally o campaign sortie.
Makikita ang malalaking tarpaulin na may pangalan ng politiko na nangangakong “Hatid-Tulong,” habang ang pondo naman ay talagang galing sa bulsa ng taumbayan iyon ay sa ating mga buwis.
Nakakainsulto ang ganitong gawain sa dalawang dahilan.
Una, binabaluktot nito ang realidad ng pananagutan. Ang subsidy ay hindi regalo ng isang Congressman, Mayor, o Konsehal. Ito ay obligasyon ng estado at karapatan ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.
Kapag ipinamumukha ng isang pulitiko na sila ang “source” ng tulong, nagkakaroon ng maling paniniwala ang ilan na utang na loob nila ang kanilang ikabubuhay sa iisang tao. Ito ang nagpapatibay sa isang makalumang sistema ng patronage politics kung saan ang boto ay binibili hindi ng plataporma, kundi ng pabor.
Pangalawa, binababoy nito ang dignidad ng tsuper. Napakaaga pa ay pinapapila na ang mga TODA members, pinagdadala ng mga photocopy ng lisensya at kung anu-ano pang ID, para lang maging backdrop sa isang photo opportunity.
Sa halip na sila ang pinaglilingkuran, sila pa ang ginagawang props para sa Facebook page ng isang trapong naghahangad ng “Likes” at “Shares.” Ang oras na dapat ay ginugugol nila sa paghahanap-buhay sa kalsada ay nauubos sa pakikinig ng mahahabang talumpati bago pa man mahawakan ang sobre.
Malinaw ang batas: ipinagbabawal ng Commission on Elections (COMELEC) at ng Code of Conduct for Public Officials ang paglalagay ng pangalan o mukha ng mga opisyal sa mga programa ng pamahalaan. Ngunit sadyang malikhain ang mga epal. Imbes na tarpaulin, gagamit ng sticker sa tricycle. Imbes na pangalan, gagamit ng initials o palayaw.
Kailan matatapos ang ganitong uri ng pamumulitika? Kailan mauunawaan ng ating mga lingkod-bayan na ang tunay na serbisyo ay hindi nangangailangan ng neon lights at paputok, kundi ng mabilis, tapat, at tahimik na pag-abot ng tulong?
Sa mga TODA drivers, huwag sana tayong mabulag sa isandaang pisong tulong na may kasamang sampung libong pisong halaga ng “utang na loob.”
Ang ayuda ay galing sa gobyerno at ang gobyerno ay kayo. Kayo ang nagpapatakbo nito sa pamamagitan ng inyong buwis.
At sa mga pulitikong mahilig sumingit sa ayuda, isang paalala lang: Sa susunod na distribusyon ng subsidy, alisin na ang mukha sa sobre, at ilagay na lang ang pangalan ng TODA na dapat talagang makinabang. Hindi ninyo kailangang magpaka-epal. Maglingkod kayo, hindi magpabida.


