SAN ANTONIO, Zambales– Isang malaking karangalan ang ipinagdiwang ng bayan ng San Antonio matapos itong kilalanin bilang “Top Tourist Destination” ng Department of Tourism (DOT) – Region 3 Office.
Ang pagkilalang ito ay isang patunay ng nagkakaisang pagsisikap ng buong komunidad na pinangunahan ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Dok Arvin Antipolo.
Sa isang pahayag, nagpasalamat ang alkalde sa lahat ng mga stakeholders na naging bahagi ng tagumpay na ito.
Kabilang sa kanyang pinasalamatan ang mga may-ari at kawani ng mga hotel, resort, at cottage; ang mga restaurant owners at staff; ang mga tour operators; ang mga bangkero at boat owners; ang buong Team San Antonio (LGU); ang mga tourism officers at staff; ang mga barangay officials; at si Konsi Lester Evangelista.
“Kayo ang tunay na haligi ng tagumpay na ito,” ani Mayor Antipolo.
Hinikayat naman niya ang lahat na patuloy na ipagmalaki at pangalagaan ang ganda at yaman ng San Antonio, Zambales upang lalo pang mapaunlad ang turismo nito para sa mas maliwanag na kinabukasan.
Ang nasabing parangal ay mula sa Department of Tourism – Region 3 Office, na siyang kumilala sa husay at potensyal ng bayan bilang isang nangungunang destinasyon ng mga turista sa Gitnang Luzon.




