OLONGAPO CITY – Tuluyan nang nasakote ng mga awtoridad ang isang lalaki na kinikilala bilang Rank No. 4 sa listahan ng Top Ten Most Wanted Persons sa antas ng lungsod. Ang matagumpay na pag-aresto ay isinagawa nitong ika-2 ng Marso, 2026, bandang ala-una ng hapon sa Covered Court ng Rizal Triangle, Barangay West Bajac-Bajac.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Tracker Team ng City Intelligence Unit (CIU). Isinagawa ang pagdakip sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu noong ika-24 ng Pebrero, 2026, para sa mga kasong Qualified Rape of a Minor, Rape by Sexual Assault, at Acts of Lasciviousness.
Walang inirekomendang piyansa para sa kasong Qualified Rape, habang may itinakdang piyansa naman para sa iba pang mga reklamo laban sa akusado.
“Ang tagumpay na ito ay bahagi ng mas pinalakas na kampanya ng Olongapo City Police Office (OCPO) sa ilalim ng PNP ocused Agenda ng upang linisin ang lungsod mula sa mga kriminal at magbigay ng katarungan sa mga biktima.”
Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad para sa kaukulang dokumentasyon at nakatakdang iharap sa hukumang naglabas ng warrant.


