BAN SA SOCIAL MEDIA PARA SA EDAD 16 PABABA, ISINUSULONG SA KAMARA

Pillars Central News
2 Min Read

Isinusulong sa Kamara de Representantes ang isang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang mga batang may edad 16 pababa na gumamit ng social media.

Sa ilalim ng House Bill No. 8268, o ang iminungkahing “Social Media Regulation and Protection Act,” layuning protektahan ang mga menor de edad laban sa masasamang epekto ng labis na paggamit ng social media, tulad ng cyberbullying, online predators, at mental health issues.

Ayon kay CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, kinakailangan nang magkaroon ng mahigpit na regulasyon upang masiguro ang kaligtasan ng kabataan sa online platform.

“Hindi pa handa ang mga batang nasa edad na ito sa mga kumplikadong emosyon at nilalaman na makikita sa social media. Kailangan nating pairalin ang kanilang kapakanan higit sa komersyal na interes ng mga digital platforms,” pahayag ni Villanueva.

Sa ilalim ng panukala, ang mga social media companies ang direktang mananagot kung mapabayaan nilang ma-implement ang age verification at mapahintulutan ang mga batang 16 pababa na gumawa ng account.

Kabilang sa mga probisyon ng naturang panukala ang:

  • Pagbabawal sa paggawa ng social media account para sa mga batang 16 anyos pababa
  • Mandatory age verification bago makapagrehistro
  • Pagpapataw ng multa sa mga kumpanyang lalabag sa batas
  • Pagtatakda ng safety features para sa mga Menor

Matatandaang ilang ulit nang iginiit ng Department of Health at ng UNICEF ang panganib na dulot ng maagang exposure ng mga bata sa social media, kabilang na ang anxiety, depression, at sleep disorders.

Kasalukuyan nang nakabinbin sa Committee on Welfare of Children ang nasabing panukala para sa karagdagang deliberasyon.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *