OLONGAPO CITY– Pormal nang itinalaga ng Lokal na Pamahalaan ng Olongapo, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), ang kauna-unahang batch ng mga graduates ng “Go! Go! Nihongo! Free Japanese Language Training” program patungo sa Japan.
Dumalo si City Councilor Vic-Vic Magsaysay, bilang Chairman ng Committee ng Labor and Employment ng Sangguniang Panlungsod, sa isang send-off dinner na ginanap bilang parangal sa mga masisipag na mag-aaral bago ang kanilang paglipad.
Ang nasabing programa ay pinangunahan ng PESO Olongapo sa pamumuno ni Mario Esquillo sa pakikipagtulungan ng iYes Language Training Center.
Sa ilalim ng inisyatibang ito, libreng tinuruan at sinanay ng lungsod ang mga kalahok upang matutunan ang wikang Nihongo.
Pagkatapos ng pagsasanay, hindi lamang sila binigyan ng kaalaman kundi direktang tinulungan din ng PESO at ng kanilang partner training center na makahanap ng trabaho sa Japan.
Sa bisa ng kanilang 5-year work contract, ang ating mga kababayan ay magtatrabaho sa Japan bilang Nihongo-speaking laborers, isang malaking oportunidad na magbibigay daan sa mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.
“Maraming salamat po sa PESO at sa iYes sa pagbuo nitong napakakahulugang programa para po sa employment ng ating mga kalungsod. Ito ay tunay na serbisyong may puso para sa ating mga manggagawa,” pahayag ni Konsehal Magsaysay sa kanyang mensahe sa mga nagsipagtapos.
Binigyang-diin ni Magsaysay na ang programang ito ay patunay na hindi lamang kalusugan at edukasyon ang pokus ng kanilang tanggapan, kundi pati na rin ang pagbibigay ng disenteng trabaho at masaganang kinabukasan para sa bawat Olongapeño.
“Good luck sa ating unang batch! Nawa’y magtagumpay kayo sa Japan at maging mabuting ambassador tayo ng ating lungsod at ng buong Pilipinas,” dagdag pa ng konsehal.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga nagtapos na mag-aaral sa lokal na pamahalaan at sa lahat ng tumulong upang maging matagumpay ang kanilang paghahanda bago lumipad patungong ibang bansa.



