MAGKUMPARENG TULAK NG DROGA, TIMBOG SA CABANGAN, ZAMBALES

Pillars Central News
2 Min Read

CABANGAN, Zambales – Arestado ang dalawang magkumpare na sangkot sa iligal na droga matapos ang isang matagumpay na buy-bust operation sa bayang ito.

Isinagawa ang operasyon noong gabi ng Pebrero 21, 2026 sa Barangay Cadmang. Pinangunahan ito ng Zambales Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa pamumuno ni PLTCOL RANNY G CASILLA, kasama ang PDEA Zambales, Zambales PIU, at Cabangan Municipal Police Station.

Sa ulat ng pulisya, ang isa sa mga suspek ay may markang “HVI” na siya umanong target ng operasyon, kasama ang kanyang kumpare na katuwang sa negosyo ng ipinagbabawal na gamot.

Nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang 26.1 gramo ng shabu na may karaniwang halaga sa pamilihan na umaabot sa ₱177,480.00. Higit pa rito, narekober din mula sa mga ito ang isang kalibre .22 revolver na may mga bala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cabangan Municipal Police Station ang mga dinakip para sa dokumentasyon at pormal na pagsasampa ng kaso.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Pinasalamatan naman ni Police Colonel BENJAMIN P ARIOLA, Provincial Director ng Zambales PNP, ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya na nagbunsod sa tagumpay ng operasyon. Nagpaalala rin siya sa publiko na maging bahagi ng kampanya kontra krimen sa pamamagitan ng pag-uulat agad sa awtoridad ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *