MABILIS NA PAGRESPONDE NG PULISYA, ARMADONG LALAKI SA SAN FELIPE, NAARESTO!

Pillars Central News
2 Min Read

SAN FELIPE, Zambales – Agad na naawat ng mga otoridad ang isang posibleng trahedya matapos arestuhin ang isang lalaking armado na kanina pang nagpapaputok ng baril sa Sitio Laoag, bayan ng San Felipe, madaling-araw ng Pebrero 12, 2026.

Ang suspek na kinilalang si alyas “Ken,” na nasakote at residente ng Caloocan City, na kasalukuyang nasa kustodiya ng San Felipe Municipal Police Station (MPS) matapos ang agarang pagresponde ng mga pulis sa lugar.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag si PCOL BENJAMIN P ARIOLA, Provincial Director, mula sa himpilan ng San Felipe MPS na pinamumunuan ni PCPT NIÑO RYAN OPINGA, OIC. Isang concerned citizen ang nagpaalarma hinggil sa isang lalaking tila lasing at walang habas na nagpapaputok ng baril sa nasabing sitio.

Dahil dito, agad nag-utos si PCPT OPINGA na beripikahin ang insidente. Pagdating ng mga rumespondeng pulis, nadatnan nila ang suspek na aktuwal na nagpapaputok pa ng kanyang baril.

Sa mabilis at maayos na pagtugon, kaagad itong nilapitan at inaresto bago pa man lumaki ang gulo o may masaktang sibilyan.

Nasamsam mula sa suspek ang isang calibre 9mm na baril kasama ang mga bala. Ang nasabing ebidensya ay isinailalim na sa wastong dokumentasyon at nakatakdang ipadala sa forensic laboratory para sa kaukulang pagsusuri.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Felipe MPS ang suspek habang inihahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban dito, alinsunod sa umiiral na batas ukol sa iligal na pagmamay-ari ng baril at paglabag sa election gun ban.

Sa naging pahayag ng pulisya, hinikayat nila ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad mag-ulat ng anumang kahina-hinalang gawain sa kanilang lugar.

“Hinihimok namin ang ating mga kababayan na patuloy na makipagtulungan sa awtoridad. Kayo ang ating mga mata at tenga sa komunidad. Sa ganitong paraan, sama-sama nating mapananatili ang kapayapaan at kaayusan,” pahayag ng San Felipe MPS.

TAGGED:
Share This Article