SAN NARCISO, ZAMBALES β Nasa 90 itlog ng pawikan ang matagumpay na napisa at matagumpay na pinalaya kahapon, araw ng Biyernes, ika-5 ng Pebrero taong 2026, sa PAWICARE, Purok 5, Barangay La Paz.
Ang aktibidad ay pinangungunahan ng Pamahalaang Bayan ng San Narciso sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at ng PAWICARE San Narciso na isa sa inisyatiba at adhikain ni Mayor La Rainne Abad- Sarmiento.
Ayon kay Sarmiento, Layunin ng pagpapalaya hindi lamang ang maisauli ang mga hatchlings sa kanilang natural na tirahan, kundi pati na ang paigtingin ang kamalayan ng publiko sa pangangalaga ng mga pawikan at ng buong yamang-dagat.
Dagdag pa ng alkalde, ang pagpapalaya ay bahagi ng patuloy at masigasig na programa ng bayan upang pangalagaan ang biodiversity ng kanilang karagatan. Ito ay sumasalamin sa pangmatagalang adhikain ng San Narciso na maging isang komunidad na aktibong kumikilos para sa konserbasyon.
“Inaanyayahan namin ang ating mga kababayan at mga bisita na saksihan at suportahan ang makasaysayang aktibidad na ito.
Bawat hatchling na mapapalaya ay simbolo ng pag-asa at bunga ng ating kolektibong pagsisikap para sa kalikasan,” pahayag naman ng MENRO.
Bukod sa pagpapalaya, nagpapatupad din ang LGU ng mga regular na coastal clean-up, information drive, at mahigpit na bantay laban sa ilegal na pangingitlog at pangangalakal ng mga endangered na uri ng pawikan.




