BOTOLAN, ZAMBALES — Nagsimula nang muling sumigla ang pangisdaan ng lalawigan ng Zambales, na nagdulot ng pagdami ng huli ng mga mangingisda.
Ito ang sinabi ni Paolo Quitaneg, Pangulo ng Zambales Provincial Fisherfolks Association, na naging positibo ang epekto ng patuloy na pagpapalalim ng mga river channel o daluyan ng ilog sa lalawigan.
Ang river restoration na programa ng probinsiya ang itinuturong pangunahing dahilan ng pagbabalik ng sigla ng ani, lalo na sa mga bukana ng ilog palabas nang dagat sa mga bayan ng Botolan, San Narciso, at San Felipe.
“Masigla na ang ani ngayon. Kita namin ang direktang epekto ng paglilinis at pag-aayos ng mga daluyan ng tubig sa populasyon ng isda,” pahayag ni Quitaneg.
Dagdag pa rito, inaasahang lalo pang sisigla ang kabuhayan ng sektor dahil sa pagbibigay ng Provincial Government sa fisherfolk group ng dalawang malalaking fiber-glass fishing vessels.
Ang mga bangkang ito ay inaasahang magpapataas ng kita ng mahigit 28,000 mangingisdang miyembro ng asosasyon.
Samantala kinumpirma naman ni Engr. Mariano Domingo, Provincial Consultant ng Zambales, na may ilan pang malalaking fishing vessels na ipagkakaloob sa mga mangingisda.
Ang mga ito umano ay bahagi ng inisyatiba ni Zambales Governor Hermogenes Jun Ebdane Jr., na magbahagi ng pagsisimula ng paggamit ng mas modernong pamamaraan ng mga mangingisda, partikular na sa karagatan ng West Philippine Sea na kayang makipag sabayan sa iba pang bansang nangiginsda sa karagatan.
“Layunin umano ng gobernador at ng pamahalaang panlalawigan na paunlarin ang kapasidad ng ating mangingisda.
Ang mga bangkang ito ay magbibigay sa kanila ng kakayahang mangisda nang mas ligtas at mas produktibo,” ayon pa kay Mariano.
Ang pagdami ng huli at ang suporta sa mga mangingisda ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at seguridad sa Zambales.




