Nagsampa ng kasong kriminal ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Villar Land Holdings Corp., kay bilyonaryo Manny Villar at sa mga miyembro ng kanyang pamilya dahil sa umano’y market manipulation, insider trading at misleading disclosures kaya namanipula ang share price ng kompanya at nalansi ang mga investor.
Sa reklamong isinampa sa Department of Justice (DOJ) noong Enero 30, kinasuhan ng SEC ang Villar Land—dating Golden MV Holdings Inc.—ng paglabag sa maraming probisyon ng Securities Regulation Code, kabilang na ang misleading statements at transactions para mapaniwala ang mga investor.
Kabilang sa mga respondent ay sina Villar Land chair Manuel B. Villar Jr.; asawang si dating senadora Cynthia A. Villar; mga director na sina Sen. Camille A. Villar, Manuel Paolo A. Villar, Sen. Mark A. Villar, Cynthia J. Javarez, Ana Marie V. Pagsibigan at Garth F. Castañeda.
Damay rin sa reklamo ang Infra Holdings Corp. at MGS Construction, kabilang na ang ilang officer at authorized signatories, ng mga kompanya.
Nag-ugat ang kaso sa public disclosure ng 2024 financial statements ng Villar Land kung saan inilista ang P1.33 trillion ($23.6 billion) total asset at net income na P999.72 bilyon mula sa P1.46 bilyon lamang ng nagdaang taon.
Ipinaliwanag ng kompanya na ang pagtaas ng halaga ng kanilang assets ay bunga ng revaluation ng kanilang real estate holdings.
Ngunit nang isagawa ang external audit, lumabas na ang total assets lamang ng kompanya ay P35.7 bil¬yon at hindi P1.33 trilyon.
Binanggit din ng SEC na ang trading ng magkakaugnay na kompanya ay lumikha ng artificial demand kaya nasuportahan ang share price ng Villar Land. Isa sa tinukoy na kakutsabang kompanya ang Infra Holdings Corp. na minamay-ari ng kapatid ni Manny Villar na si Virgilio.
Sumabit naman si Camille sa insider trading dahil sa pagbili ng shares noong Disyembre 2017 bago ang corporate disclosure kaya nagresulta ito sa pagtaas ng stock price ng kompanya.
Inimbestigahan din ng SEC ang appraiser ng Villar Land. Noong Nobyembre 2025, binawi ng regulator ang accreditation ng E-Value Phils. Inc. at pinagmulta ng P1 milyon dahil sa maling valuation ng assets ng Villar Land.
“Building investor confidence in the Philippines is crucial in driving the inclusive and sustainable growth of our capital market and business sector for national development,” saad ni SEC Chairman Francis Lim.
“In this light, the SEC is firm in addressing fraudulent and manipulative acts that mislead the investing public and distort our capital markets,” diin pa niya.


