“Pag dating sa procedure ng pag-aresto, kung maaari po ay ‘wag na pong pag-usapan. Basta po ang sinasabi lang ‘yun commitment ng Pilipinas sa pag-serve ng warrant kung sakaling hihilingin po nung Interpol,” sabi ni Col. Randulf Tuano, hepe ng PNP Public Information Office.
Determinado ang Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang arrest warrant na ilalabas ng International Criminal Court (ICC) at idadaan sa International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa at iba pang isinasangkot sa madugong ‘war on drugs’ na ipinatupad ng administrasyong Duterte.
Ito ang binigyang diin ni Col. Randul Tuano, hepe ng PNP Public Information Office (PIO), tungkol sa pahayag ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na hindi maaaring arestuhin si dela Rosa kapag may sesyon pa ang Senado base sa prinsipyo ng “parliamentary courtesy.”
Ginawang halimbawa ni Escudero ang mga naging karanasan sa ilang dating at kasalukuyang miyembro ng Senado na inisyuhan ng warrant subalit binigyang proteksiyon ng Mataas na Kapulungan ng ilang araw ay sina Juan Ponce Enrile, Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Jinggoy Estrada, Panfilo ‘Ping’ Lacson, Leila de Lima, at Antonio Trillanes IV.
Sa kabila ng binitawang pahayag ni Escudero, iginiit ni Tuano ang obligasyon ng Pilipinas sa Interpol na handa itong tumulong sakaling may aarestuhing personalidad sa bansa na inisyuhan ng arrest warrant ng international tribunal.(Photo courtesy of Senate of the Philippines)