KONSEHAL MAGSAYSAY, ISINUSULONG ANG BESO HELP PARA SA INKLUSIBONG PAGHAHANAP NG TRABAHO

Pillars Central News
2 Min Read

LUNGSOD NG OLONGAPO -Pinangunahan ni City Councilor Vic-Vic Magsaysay ang isang pampublikong pagdinig kaugnay ng panukalang ordinansa na naglalayong itatag ang Barangay Employment Service Officer (BESO) Help Desk sa bawat barangay.

Si Konsehal Magsaysay, na siyang Chairperson ng Committee on Labor and Employment, ang nag-akda at nag-sponsor ng nasabing ordinansa. Layunin nitong gawing institusyonal ang pagkakaroon ng help desk upang mailapit sa komunidad ang mga serbisyo at oportunidad sa trabaho.

Bilang bahagi ng masusing konsultasyon, inimbitahan ni Konsehal Magsaysay hindi lamang ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, kundi pati na rin ang mga kinatawan mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Public Employment Service Office (PESO) Olongapo, at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Labor Department.

Upang matiyak ang malawak na partisipasyon at pagiging inklusibo ng nilalaman ng ordinansa, sinadya ring isali sa pagdinig ang mga pangulo ng iba’t ibang sektor — mula sa hanay ng mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, Sangguniang Kabataan (SK), at mga youth organization.

Ayon kay Konsehal Magsaysay, mahalagang marinig ang tinig ng bawat grupo upang maging mas accessible at akma para sa lahat ang mga programa sa ilalim ng itatatag na BESO Help Desk. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapadali ang paghahanap ng trabaho maging para sa mga sektor na karaniwang nahihirapang makapasok sa merkado ng paggawa.

Patuloy ang pagdinig ng komite upang mapagtibay ang mga probisyon ng ordinansa bago ito tuluyang maipasa sa plenaryo.

Share This Article