KONSEHAL MAGSAYSAY, NANGUNA SA PAGHIMOK SA SUBIC WATER PARA SA MAHIGPIT NA PAGTUPAD NG MGA PANGAKO SA PRANGKISA

Pillars Central News
2 Min Read

LUNGSOD NG OLONGAPO — Sa pangunguna ni Konsehal Vic-Vic Magsaysay, Tagapangulo ng Komitiba ng Economic Zones and Freeport Concerns, isinagawa ang isang mahalagang pagpupulong ng komite upang siguruhing mapangalagaan ang interes ng mga Olongapeño pagdating sa serbisyo ng tubig.

Si Konsehal Magsaysay ang may-akda ng isang resolusyon na naglalayong magkaroon ng isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Olongapo at ng Subic Water and Sewerage Company, Inc. (Subic Water).

Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais ng konsehal na magkaroon ang lungsod ng mas direktang papel sa pag-o-oversee o mahigpit na pagbabantay sa kalidad ng serbisyo at pagtupad sa mga pangakong nakasaad sa Third Amendment ng kanilang Franchise Agreement sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

“Hindi sapat na umaasa lang tayo sa kasunduan nila sa SBMA. Bilang lungsod na direktang tumatanggap at apektado ng kanilang serbisyo, dapat may direktang papel ang pamahalaang lungsod sa pagtiyak na ang bawat probisyong may kinalaman sa Olongapo at sa kanyang hurisdiksyon ay mahigpit na ipinatutupad,” ang mariing pahayag ni Konsehal Magsaysay sa naturang pagdinig.

Ang resolusyon, na may mahabang titulong: “A RESOLUTION URGING THE CITY GOVERNMENT OF OLONGAPO AND THE SUBIC WATER AND SEWERAGE COMPANY, INC TO ENTER INTO A MEMORANDUM OF UNDERSTANDING FOR THE REASSURANCE OF EXPECTED SERVICE AND ENFORCEMENT OF PROVISIONS UNDER THE THIRD (3RD) AMENDMENT TO THE FRANCHISE AGREEMENT…” ay naglalayong mapilit o mauudyukan ang kompanya na gampanan ang mga inilatag nilang development projects at mga pangako sa loob ng teritoryo ng Olongapo.

Kasama rin bilang co-sponsor ng mahalagang resolusyong ito si Konsehal Benjamin Cajudo II, Tagapangulo ng Komitiba ng Utilities, na nagpapakita ng nagkakaisang paninindigan ng Sangguniang Panlungsod sa isyu ng pampublikong utilidad.

Patuloy ang panawagan ng opisina ni Konsehal Magsaysay sa Subic Water na maging bukas sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod upang masigurong tuloy-tuloy at dekalidad ang serbisyo para sa bawat tahanan sa Olongapo.

Share This Article