Isang malaking tagumpay para sa hustisya ang pagkakaaresto kay dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co sa Prague, Czech Republic.
Matapos ang halos siyam na buwan na pagtatago, ang lalaking itinuturing na “big fish” sa kontrobersyal na iskandalo ng mga pondo para sa “flood control” ay tuluyan nang nahulog sa kamay ng batas.
Hindi man sa paraang inaasahan, ang kanyang pagkahuli ay isang malinaw na hudyat na ang mahabang kamay ng batas ay kayang umabot saan mang sulok ng mundo.
Ang dating mambabatas, na siyang dating tagapangulo ng makapangyarihang House Committee on Appropriations, ay inaresto matapos tangkaing pumasok sa Germany nang walang tamang dokumento mula sa Czech Republic.
Ang kanyang “Philippines Passport” ay kinansela na, kaya’t siya ay itinuring na “undocumented foreign national” at “unwanted alien.” Ito ang kanyang ikinapahamak niya, ito ay isang malinaw na pagkakamali ng isang taong akala’y makaiiwas sa pananagutan sa batas.
Ang pagkahuli kay Co ay nagbubukas ng daan para sa isang mas malalim na imbestigasyon sa katiwalian.
Siya ay nahaharap sa mabibigat na kaso ng graft at malversation of public funds sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y maanomalyang “BILYONG ROAD DIKE PROJECT”.
Si Co ang itinuturing na “architect” ng mas malawak na anomalya sa pondo ng flood control na umabot sa bilyun-bilyong piso, na nagdulot ng matinding pagkabahala sa publiko at nagpahina sa ekonomiya.
Mahalagang malaman ng sambayanan ang buong katotohanan. Hindi sapat na mapanagot lamang ang isang tao. Ang tunay na hustisya ay makakamit lamang kung mabubunyag ang buong sistema at lahat ng sangkot, mula sa mga opisyal ng gobyerno hanggang sa mga pribadong kontratista.
Ang mga pagdinig sa Senado at Kamara ay dapat magsilbing plataporma para sa isang malawakang paglilinis, hindi lamang para sa isang politikal na iskandalo.
Sa kabila ng mga alegasyon ni Co na may kinalaman ang ilang matataas na opisyal ng administrasyon, kabilang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mariing itinanggi ng Palasyo ang mga ito.
Ang paninindigan ng Malacañang ay malinaw: “managot ang dapat na managot.” Ang Pangulo mismo ang nag-utos ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects, at ang pagkahuli kay Co ay isang testamento sa kanyang pangako ng accountability.
Gayunpaman, ang tagumpay na ito ay simula pa lamang.
Ang tunay na hamon ay ang mabilis at maayos na pagbabalik kay Co sa bansa.
Dahil walang extradition treaty ang Pilipinas at Czech Republic, ang proseso ay maaaring maging kumplikado. Umaasa tayong magiging matagumpay ang koordinasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang maiuwi siya sa lalong madaling panahon at maiharap sa Sandiganbayan.
Higit sa lahat, ang pagkakahuli kay Co ay isang paalala sa lahat ng nasa posisyon: walang kapangyarihan ang permanente, at walang kayamanan ang sapat upang takasan ang batas.
Ito ay isang malinaw na mensahe na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang kultura ng impunity ay wala nang lugar.
Ang bawat piso ng kaban ng bayan na ninakaw ay dapat ibalik, at ang bawat opisyal na nagtaksil sa tiwala ng publiko ay dapat managot.
Ang paglalakbay tungo sa katarungan ay mahaba at mahirap, ngunit sa pagkakahuli kay Zaldy Co, tayo ay nakagawa ng isang napakahalaga at matatag na hakbang pasulong. (30)


