QUEZON CITY, Philippines – Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat at matatag ang suplay ng langis sa bansa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagpatupad ng hakbang ang ahensya katuwang ang Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) upang mapalakas ang seguridad ng enerhiya ng bansa.
Ayon sa DOE, may ilang shipment ng langis na ang dumating sa bansa, habang may iba pang naka-iskedyul na dumating sa mga susunod na araw. Ito aniya ay bahagi ng estratehiya ng pamahalaan upang masigurong hindi maaapektuhan ang imbentaryo at suplay ng krudo sa gitna ng tensyon sa Middle East at iba pang pandaigdigang salik na nakakaapekto sa presyo ng petrolyo.
Sinabi ng kagawaran na ang agarang aksyon na ito ay naglalayong protektahan ang mga mamimili mula sa biglaang pagkaubos ng suplay at upang mapanatili ang normal na operasyon ng industriya ng langis sa bansa.
Patuloy namang binabantayan ng DOE ang galaw ng presyo sa mundo upang makapagrekomenda ng angkop na interbensyon kung kinakailangan.


