Personal na tinanggap ng Department of Energy, sa pamumuno ni Secretary Sharon S. Garin, sa Mabini, Batangas ang unang shipment na may kargang 142,000 bariles ng diesel, bilang konkretong bahagi ng pagpapatupad ng pamahalaan ng mga hakbang upang tiyakin ang sapat at matatag na suplay ng langis sa bansa.
Ang shipment na ito ay bahagi ng kabuuang 1.042 milyong bariles na siniguro ng pamahalaan sa ilalim ng tuloy-tuloy na pagmomonitor at agarang pagtugon sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya.
Sa bisa ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order No. 110, ipinatutupad ng Department of Energy ang Emergency Energy Security Program upang mapanatili ang tuloy-tuloy na pagdating at maayos na distribusyon ng suplay ng langis, lalo na sa harap ng mga hamon sa pandaigdigang merkado.
Sa mga susunod na linggo ng Abril, inaasahan pa ang pagdating ng mga karagdagang shipment upang higit pang mapatatag ang suplay at matiyak na natutugunan ang pangangailangan ng bansa.


