Manila – Umabot sa 2.48 milyong bariles ng Russian crude oil ang binili ng Petron Corp., ang nag-iisang oil refinery sa bansa, bilang karagdagang suplay dahil sa lumalalang kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa isang disclosure nitong Lunes, tiniyak ng Petron na nasa ilalim ng pamumuno ni business tycoon Ramon Ang na makatutulong ang nasabing procurement upang magtagal ang kanilang suplay ng langis hanggang Hunyo.
Ayon sa Petron, ang hakbang na kumuha ng suplay mula sa Russia ay hindi bahagi ng kanilang “business-as-usual sourcing strategy.” Sa halip, napilitan anila ang kumpanya na magsagawa ng “extraordinary emergency measure” dahil sa kasalukuyang sitwasyon.
“The procurement of Russian crude oil is not part of the Corporation’s business-as-usual sourcing strategy, and the purchases were undertaken strictly out of extreme necessity as an extraordinary emergency measure in response to unprecedented geopolitical and supply chain disruptions, and only after exhausting all commercially and operationally viable alternatives,” pahayag ng Petron.
Tiniyak din ng kumpanya na handa itong bumili pa ng mas maraming bariles ng Russian crude oil kung kinakailangan.
Napaulat na nakatanggap na ang oil giant ng mahigit 700,000 bariles ng crude oil mula sa Russia noong nakaraang linggo.
Ang Petron ang humahawak ng 30 porsyento ng market share sa lokal na suplay ng gasolina.


