Manila, Philippines– Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makipag-ugnayan sa Iran upang talakayin ang ligtas na pagdaan ng mga barkong nagdadala ng langis patungong Pilipinas sa Strait of Hormuz, sa gitna ng tumitinding kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, posibleng magsagawa ng pulong si DFA Secretary Tess Lazaro sa ambassador ng Iran bukas o sa susunod na linggo upang matiyak ang seguridad ng mga Philippine-bounded oil vessels.
“Ito ay upang masiguro na ligtas ang ating mga supply ng langis na dumadaan sa naturang estratehikong daanan,” ani Castro.
Malaking bahagdan ng langis na inaangkat ng Pilipinas ay nagmumula sa Middle East at dumadaan sa Strait of Hormuz, isa sa pinakaimportanteng at pinaka-delikadong ruta ng langis sa mundo. Anumang pagkagambala rito ay maaaring makaapekto sa presyo at supply ng langis sa bansa.
Patuloy ang pagbabantay ng pamahalaan sa sitwasyon sa rehiyon upang maiwasan ang anumang panganib sa mga barkong patungong Pilipinas.


