LUNGSOD NG OLONGAPO– Naghatid ng makabuluhang pambungad na pananalita si Olongapo City Councilor Vic-Vic Magsaysay (#VVM) sa ginanap na “8th Olongapo City Robotics Cup” nitong weekend sa Olongapo City Civic Center.
Pinangunahan ng i-Stream Education For Youth Corporation ang event kung saan nagtipon-tipon ang iba’t ibang mag-aaral mula sa maraming paaralan sa lungsod upang ipamalas ang kanilang galing sa larangan ng robotics.
Ayon sa opisina ng Magsaysay , layon ng aktibidad na bigyang-diin ang kahalagahan ng agham, teknolohiya, at malikhaing pag-iisip sa gitna ng makabagong edukasyon.
Makikita sa nasabing kompetisyon ang mga ipinakitang robotics projects, makabagong ideya, at husay sa problem solving skills ng mga kabataang Olongapeño.
“Ang robotics ay hindi lamang tungkol sa makina — ito ay pagsasanay sa kritikal na pag-iisip, pagtutulungan, at paghahanda sa ating mga mag-aaral para sa hinaharap,” ani VVM sa kanyang mensahe.
Nagpasalamat naman ang i-Stream Education For Youth Corporation sa suporta ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Councilo Magsaysay, na patuloy na nagtataguyod ng mga programang pangkabataan sa ilalim ng adhikaing serbisyong Magsaysay.




