PASIG CITY– Bumalik na sa bansa ang 343 na mga Pilipino, karamihan ay mga Overseas Filipino Worker (OFW), mula sa Saudi Arabia at iba pang bahagi ng Middle East ngayong araw, Linggo, sa pangunguna ng pamahalaan.
Ito ay sa pamamagitan ng isang government-funded chartered flight na pinapatakbo ng Philippine Airlines. Dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kaninang umaga, sakay ang 328 na OFW at 13 na mga bata mula sa Riyadh, Al-Khobar, Kuwait, at Bahrain.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ito na ang ikalawang charter flight na inorganisa ng gobyerno para pauwiin ang mga Pilipinong nais nang magbalik-bayan dahil sa mga tensyon sa Middle East.
Ang repatriation program ay pinondohan sa pamamagitan ng emergency fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Bahagi ito ng “whole-of-government” approach ng administrasyon upang matulungan ang mga kababayang nangangailangan ng saklolo sa abroad.
“Kaisa natin ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development para magbigay ng medical assistance, psychosocial support, at reintegration services sa ating mga returning workers,” pahayag ni Sec. Cacdac.
Samantala, sinabi naman ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na karamihan sa mga na-repatriate ay mga distressed workers na humiling ng tulong mula sa gobyerno upang makauwi ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Caunan, umaabot na sa halos 1,000 OFW ang natulungan ng pamahalaan na makauwi sa pamamagitan ng charter at commercial flights. Inaasahan pang mas maraming repatriation efforts sa mga susunod na araw.
Nakatakda namang dumating bukas, Lunes, ang isa pang grupo ng 341 OFW mula sa Middle East sa pamamagitan ng hiwalay na charter flight.


