DILG SEC. REMULLA, IMINUNGKAHING BUWAGIN NA ANG SK SA BANSA!

Pillars Central News
2 Min Read

Isang kontrobersyal na panukala ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla hinggil sa kinabukasan ng Sangguniang Kabataan (SK) sa bansa.

Ayon kay Remulla, kanyang tahasang iminungkahi na buwagin na ang SK dahil sa hindi umano pagganap ng mga opisyal nito sa kanilang tungkulin.

Sa kaniyang paliwanag, sa mahigit 42,000 barangay sa buong Pilipinas, tinatayang 50 porsyento ng mga SK council ang hindi na gumagana pagkatapos pa lamang ng unang taon ng kanilang panunungkulan.

Binigyang-diin ng kalihim na marami sa mga nahalal na kabataang lider ang nawawalan ng pokus sa kanilang tungkulin dahil sa iba’t ibang personal na dahilan—maaaring ito ay dahil sa pagiging abala sa pag-aaral, pag-aasawa, o kaya naman ay paglipat ng tirahan sa ibang lugar.

“Masyadong mataas ang attrition rate ng SK, partikular na sa mga lalawigan. Nawawalan ng saysay ang representasyon ng kabataan sa lokal na pamahalaan kung ganito ang sitwasyon,” ani Remulla.

Kung sakali umanong hindi tuluyang mabuwag ang SK, iminungkahi rin ng kalihim ang pagbuo ng mga bagong estratehiya. Layunin nitong matiyak na magiging epektibo at makabuluhan ang youth empowerment sa bansa, sa halip na manatili sa kasalukuyang sistema na aniya ay hindi na epektibo.

Patuloy pang hinihintay ang magiging reaksiyon ng mga kabataang Pilipino at ng mga opisyal ng SK sa panukalang ito ng kalihim.

TAGGED:
Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *