ZAMBALES, PORMAL NANG NAGHAIN NG BID PARA MAGING HOST NG PALARONG PAMBANSA 2027; KOMPREHENSIBONG PLANO, IPINAKITA SA DEPED

Pillars Central News
3 Min Read

LUNGSOD PASIG — Pormal nang inihain ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales ang kanilang bid upang maging punong-abala ng Palarong Pambansa 2027, sa pangunguna ni Gobernador Hermogenes E. Ebdane Jr.

Naganap ang paglahok ni Gobernador Ebdane sa Presentation of Bids na ginanap sa Central Office ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City nitong Lunes, March 2, 2026.

Kasama ng gobernador sina DepEd Zambales OIC-SDS William Roderick R. Fallorin, CESO VI, at iba pang opisyal ng DepEd-Zambales. Gayundin ang Provincial Sports Development Head na si Jade Ballesteros, Provincial Planning and Development Head Manny Adaoag, at Consultant on Infrastructure Development na si Engr. Domingo Mariano.

Sa ginanap na Palarong Pambansa Committee Special Board Meeting, personal na iprinisenta ng delegasyon ng Zambales ang kanilang kahandaan at kakayahan na mag-host ng pambansang paligsahan sa susunod na taon.

Pinangunahan ng DepEd at ng Philippine Sports Commission (PSC) ang nasabing presentation ng mga bid.

Puno ng kumpiyansa si Gobernador Ebdane na mananalo ang Zambales sa laban na ito. Binigyang-diin niya ang matinding pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na lumikha ng isang world-class na venue na akma para sa Palarong Pambansa 2027.

Ayon pa sa gobernador, dahil sa matagumpay nilang pagho-host ng 3rd Asia-Pacific Regional Scout Jamboree sa bayan ng Botolan kamakailan, napatunayan ng Zambales na handa silang pamahalaan ang mga pangangailangan sa accommodation, facilities, seguridad, at iba pang aspeto para sa mga atleta at kanilang mga school officials sa kanilang magiging pamamalagi sa lalawigan.

Bukod sa Zambales, ang Quezon City at ang Province of Tarlac rin ang mga natitirang interesadong mag-host ng Palarong Pambansa 2027.

Samantala, dalawang local government units naman ang nag-withdraw ng kanilang bid—ang Dasmariñas City at Ilagan City.

Karaniwang isinasagawa ang bidding presentation para sa pagho-host ng Palaro isang taon bago ang aktwal na petsa ng kompetisyon, at kadalasang kasabay ito ng closing ceremonies ng kasalukuyang taong Palaro.

Bilang halimbawa, ang mga bid para sa 2024 Palaro ay iprinisenta noong Hulyo 2023, samantalang ang bidding para sa 2027 edition ay nakatakda sana noong Setyembre 15, 2025.

Ang Palarong Pambansa ang itinuturing na pinakaprestihiyosong pambansang sporting event sa Pilipinas na pinamamahalaan ng DepEd.

Ang pagho-host at pakikilahok dito ay mahigpit na sumusunod sa mga technical, facility, at eligibility guidelines na itinakda ng DepEd at ng RA 10588, o ang Palarong Pambansa Act of 2013.

Nagsisilbi rin ang Palaro bilang pangunahing grassroots sports development program ng bansa, kung saan natutuklasan ang mga batang atleta mula sa local, district, at regional meets.

Ito ang pinakahuling hakbang sa ladder ng kompetisyon, at patuloy na pinagtutuunan ng PSC ng pansin ang pagpapalakas sa pipeline na ito, kasama na ang posibilidad na pagsamahin ito sa Batang Pinoy upang mas mapaigting pa ang paghahanap ng mga talentong atleta.

Share This Article