GOBERNADOR EBDANE, TINIYAK ANG KAHANDAAN NG ZAMBALES SA NAGING PRESENTATION PARA SA PALARONG PAMBANSA 2027

Pillars Central News
2 Min Read

IBA, ZAMBALES– Masusing pinag-aaralan ngayon nina Zambales Governor Hermogenes “Jun” Ebdane Jr. at Zambales Provincial Consultant for Infrastructure and Development Engr. Domingo Mariano ang “sketch plan” ng kasalukuyang ginagawang Sports Complex sa lalawigan.

Ang pasilidad na ito ang pangunahing sentro na posibleng magamit kung sakaling ipagkaloob sa probinsya ang hosting rights para sa darating na Palarong Pambansa sa taong 2027.

Ang nasabing usapin at pag-aaral ay kasunod ng naganap na presentasyon ng Probinsya ng Zambales sa Department of Education (DepEd) noong Lunes sa Pasay City.

Matapos na opisyal na lumahok ang lokal na pamahalaan sa bidding process na ginanap sa Central Office ng DepEd upang maihabol ang pangalan ng Zambales bilang isa sa mga kandidatong host ng pambansang palaro.

Ayon kay Gob Ebdane, naging kumpetitibo ang bid ng Zambales dahil sa komprehensibong plano at maagang paghahanda nito.

Nakatuon ang kanilang presentasyon sa detalyadong kahandaan ng bawat pasilidad, imprastraktura, seguridad, accommodation, at iba pang logistical preparations upang masiguro ang matagumpay na pagdaraos ng malaking palaro.

“Ang ginagawa nating ito ay nagpapakita lamang ng isang matinding hangarin at determinasyon na maipagkaloob sa probinsya ang karangalang maging Host ng Palarong Pambansa,” pahayag pa ng Gobernador.

Sa kanyang bahagi, ipinaalala pa ni Gob. Ebdane na hindi lamang dapat itayo ang mga gusali, kundi kailangang i-maximize ang bawat sulok ng lugar.

Binigyang-diin pa ng gobernador na hindi dapat masayang ang lawak ng probinsya, bagkus lahat ng espasyo ay dapat mapakinabangan at magamit sa ikauunlad ng palaro at ng mga atleta.

Patuloy pa rin ang ginagawang pagsusuri upang matiyak na sa oras na piliin ang Zambales, ganap na handa ang probinsya sa pagho-host ng isa sa pinakamalaking sporting events sa bansa.

TAGGED:
Share This Article