Nagcourtesy call ang bagong talagang Director ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Melvin Matibag kay Deputy Speaker at First District Representative Jay Khonghun upang talakayin ang mahahalagang usapin na may kaugnayan sa kapakanan, seguridad at kaayusan ng bansa.
Isa sa mga pangunahing napag usapan ang planong pagtatayo ng bagong gusali ng NBI sa Kalaklan, sa Olongapo City na kung saan layunin nitong mapalakas ang operasyon ng ahensya at mailapit ang maganda at maayos na serbisyo sa publiko.
Inaasahan na mas lalo pang mapapabilis ang mga imbestigasyon at pagresponde sa mga kaso sa oras na maisagawa ang proyektong ito.
Naging sentro din ng usapan ang pagpapaigting na kampanya laban sa pagkalat ng maling impormasyon o “fake news” na nagdudulot ng kalituhan at pagkakahati-hati ng publiko.
Binigyang diin sa pagpupulong ang kahalagahan ng pananagutan at ang pagpapatupad ng batas laban sa mga indibidwal na sadyang nagpapakalat ng mapanlinlang na balita.
Nagpahayag din ang dalawang opisyal ng kanilang kahandaan na magtulungan upang mapanatili at maitaguyod ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.


