Kinuwestiyon ni Raffy Tulfo sa kanyang programa ang tila paraan ng Criminal Investigation and Detection Group sa pagpresenta sa media ng vlogger na si Norman Mangusin.
Ayon kay Tulfo, bagama’t inaamin niyang may kayabangan umano si Mangusin at marami ang naaasar dito, hindi raw makatwiran ang ginawang pagpapahiya ng CIDG—lalo na’t unjust vexation lamang umano ang kasong kinahaharap nito.
“May kayabangan nga siya… pero I think it was uncalled for na ginawa ng CIDG na binalandra ang pagmumukha niya,” ani Tulfo.
Dagdag pa ng senador, hindi rin umano tama na pinayagan pang murahin at insultuhin si Mangusin ng complainant sa harap ng media.
“Samantalang ‘yung kanyang kaso ay unjust vexation lamang na napakababaw,” giit niya.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat pairalin ang tamang proseso at paggalang sa karapatan ng akusado, anuman ang personal na opinyon ng publiko laban dito.


