ZAMBOANGA CITY – Bilang bahagi ng pinaiigting na kampanya laban sa smuggling at iba pang iligal na gawain sa karagatan, matagumpay na nagsagawa ng Law Enforcement Operation ang Regional Maritime Unit 9 (RMU 9) katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa karagatan ng Brgy. Sinunuc, Zamboanga City, bandang 8:30 ng umaga ngayong Pebrero 23, 2026.
Habang nagsasagawa ng Seaborne Patrol Operation, sakay ng R9-Tactical Watercraft Mercury-08, namataan ng operating team ang isang motorized boat na may markang “YANA-1” na may sakay na tatlong indibidwal. Sa kanilang paglapit at isinagawang inspeksyon, natuklasan na ang nasabing motorized boat ay kargado ng mga pinaghihinalaang iligal na sigarilyo. Nabigo ang mga sakay na magpakita ng anumang kaukulang papeles o dokumento na magpapatunay sa ligal na transportasyon ng nasabing kargamento.
Agad na isinailalim sa kustodiya ang tatlong suspek na kinilala sa alyas na “Ab,” alyas “Aki,” at alyas “Jul.” Ang motorized boat ay hinila patungong Headquarters, Regional Maritime Unit 9 sa Baliwasan Seaside, Zamboanga City para sa kaukulang disposisyon.
Nasamsam sa operasyon ang mga sumusunod na ebidensya:
- Isang motorized boat na may outrigger, pinapagana ng dalawang (2) Mitsubishi 4DR30 engine, tinatayang nagkakahalaga ng PhP1,000,000.00;
- Kabuuang 350 master cases (17,500 reams) ng iba’t-ibang brand ng sigarilyo kabilang ang:
– 170 master cases ng King Perfect;
– 133 master cases ng GreenHill;
– 10 master cases ng New Orleans Light;
– 12 master cases ng Hero;
– 10 master cases ng San Milano King Size;
– 14 master cases ng Bronze Red; at
– 1 master case ng LG Ice Menthol.
Ang kabuuang tinatayang halaga ng mga nasamsam na sigarilyo ay PhP14,000,000.00. Nakapagsumite na ng kahilingan sa National Tobacco Administration (NTA) para sa opisyal na beripikasyon at pagsusuri ng mga nasamsam na produkto.
Ang mga na-arestong suspek at ang mga nasamsam na ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng RMU 9 para sa tamang disposisyon at dokumentasyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso para sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024, habang hinihintay ang opisyal na pagsusuri mula sa NTA.
Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy at mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ng Chief, PNP, PGEN Jose Melencio C Nartatez Jr., alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Muling pinagtitibay ng PNP-Maritime Group ang kanilang pangako na paigtingin ang pagbabantay sa ating mga karagatan upang sugpuin ang smuggling at iba pang transnational crimes, protektahan ang ekonomiya ng bansa, at tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa mga baybaying komunidad.


