Botolan, Zambales – Personal na nakipagpulong noong Lunes, Pebrero 23, 2026, ang kinatawan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kay Hon. Jun Omar C. Ebdane, Alkalde ng Bayan ng Botolan, upang talakayin ang nagpapatuloy na kampanya kontra iligal na droga sa nasabing lokal na pamahalaan.
Nag-umpisa ang nasabing courtesy call bandang ika-5:10 ng hapon at pinangunahan nina IA V Cham D. Sulit, Provincial Officer, kasama si IA III Amir M. Estanislao, Assistant Provincial Officer ng PDEA Zambales.
Ayon sa ulat, pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang kasalukuyang kalagayan ng droga sa munisipyo, partikular na ang pagpapanatili sa 31 barangay nito na idineklara nang drug-cleared at drug-free.
Binigyang-diin ni IA V Sulit na mahalagang mag-aplay ang lokal na pamahalaan para sa “retention” o pagpapanatili ng naturang status, gayundin ang akreditasyon ng kanilang Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) mula sa Department of Health (DOH).
Tinalakay din sa pulong ang pagpapatayo ng isang “Balay Silangan Reformation Center” sa bayan.
Ito aniya ay isa sa mga pangunahing kinakailangan ng Dangerous Drugs Board (DDB) para sa mga munisipyong nagnanais na makamit at mapanatili ang drug-cleared status.
Nagpasalamat naman si IA V Sulit kay Mayor Ebdane matapos nitong ipanigurado ang buong suporta ng pamahalaang lokal sa lahat ng mga plano at programa ng PDEA.
Nagpapatuloy ang kampanya ng PDEA at mga lokal na pamahalaan upang masugpo ang iligal na droga at mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan ng Zambales.



