ORIENTAL MINDORO, PINAKAMATAAS NA BILANG NG HIV CASES SA MIMAROPA

Pillars Central News
3 Min Read

Calapan City, Oriental Mindoro – Patuloy na nangangamba ang mga awtoridad sa kalusugan matapos irehistro sa Oriental Mindoro ang pinakamataas na bilang ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa buong MIMAROPA region.

Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) na inilabas noong Pebrero 21, 2026, umabot na sa 745 ang total cumulative cases sa lalawigan mula noong 1999 hanggang sa kasalukuyan. Noong Nobyembre 2025 pa lamang, nasa 12 na bagong kaso na ang naitala sa probinsya.

Kasunod ng Oriental Mindoro sa listahan ang Palawan na may 632 kaso, Occidental Mindoro na may 330, Romblon na may 197, at Marinduque na may 148 kaso.

Sa loob mismo ng Oriental Mindoro, ang Calapan City ang may pinakamataas na bilang na may 206 kaso. Sinundan ito ng Pinamalayan (76), Naujan (68), Bongabong (53), Puerto Galera (51), Roxas (46), Gloria (43), Victoria (36), Socorro (34), Bansud (31), Baco (26), Bulalacao (15), at San Teodoro (14).

Ayon sa DOH, ang pangkat ng edad na 25 hanggang 34 ang may pinakamaraming kaso. Sa kabila ng nakababahalang bilang, maganda namang balita na 365 sa kabuuang Persons Living with HIV (PLHIV) ang kasalukuyang sumasailalim sa Antiretroviral Therapy (ART) upang mapanatili ang kanilang kalusugan at maiwasan ang pagkalat ng virus.

Paliwanag ni Dr. Cielo Ante, Provincial Health Officer ng Oriental Mindoro, ang pagtaas ng bilang ay hindi lamang hamon kundi patunay rin umano ng mas pinaigting na pagtukoy sa mga kaso sa lalawigan.

“Ito ay indikasyon na mas marami na ang nagpapa-test at nagpapagamot. Malaki ang naging tulong ng Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) mula noong 2015 nang mag-alok ito ng libreng HIV testing at naging pangunahing referral center para sa screening at dispensing ng antiretroviral drugs hindi lamang dito sa probinsya kundi maging sa mga karatig-lugar,” ani Dr. Ante.

Dagdag pa ng opisyal, bilang tugon sa target ng UNAIDS na 95–95–95 pagsapit ng 2030—kung saan 95% ng may HIV ay alam ang kanilang kondisyon, 95% ay naggagamot, at 95% ay may suppressed viral load—lumipat na ang pamahalaang panlalawigan mula sa passive tungo sa aktibong paghahanap ng mga kaso upang mas mapalawak ang testing, gamutan, at viral suppression sa buong Oriental Mindoro.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *