Calamba City, Laguna – Arestado ang dalawang Indian nationals matapos makumpiskahan ng tinatayang 44 na kilo ng hinihinalang cocaine na may street value na ₱233.2 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa isang exclusive subdivision sa lungsod na ito, madaling araw ng Sabado.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek na sina SK Munir, 30, negosyante at residente ng Ranchi, India, at Abdul Alim, 32, negosyante at taga-Kolkata, West Bengal, India.
Ayon sa ulat ng PDEA, naganap ang operasyon bandang alas-2:30 ng madaling araw sa Lot 3, Block 95 ng Villa de Calamba, Barangay La Mesa.
Isinagawa ito sa pinagsanib na pwersa ng PDEA RO-NCR Southern District Office, PDEA RO-4A Laguna Provincial Office, PDEA RO-4A Regional Special Enforcement Team, at ng Calamba City Police Station.
Nakumpiska mula sa mga dayuhan ang dalawang kilo ng cocaine na nakapaloob sa isang brown paper bag na siyang pinagkasunduang ibenta sa isang posing buyer. Sa follow-up operation, nadiskubre ng mga awtoridad ang karagdagang 42 kilo ng parehong droga na nakatago sa isang kahon sa loob ng kanilang tinutuluyan.
Bukod sa droga, narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, isang smartphone, at ang mga pasaporte ng mga suspek.
Mahaharap ang dalawang Indian nationals sa paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, isasailalim naman sa laboratory examination ng PDEA ang nakumpiskang cocaine upang tuluyang kumpirmahin ang uri at bigat ng ilegal na droga.


Photo: PDEA


