SAN NARCISO, ZAMBALES – Arestado ang isang lalaki matapos ang matagumpay na isinagawang buy-bust operation ng mga elemento ng San Narciso Municipal Police Station (MPS) nitong Lunes ng gabi, February 16, 2026.
Kinilala ng San Narciso MPS ang suspek na si alyas “Mac,” isang residente ng nasabing bayan. Isinagawa ang operasyon ng Drug Enforcement Unit (SDEU) ng nasabing himpilan sa Purok 6, Barangay Natividad, San Narciso, Zambales bandang alas-diyes ng gabi.
Ayon sa ulat, mula sa suspek ay nakumpiska ng mga awtoridad ang tatlong (3) pirasong maliit na heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Ang mga nakumpiskang droga ay may kabuuang bigat na humigit-kumulang 2.93 gramo, na may tinatayang Standard Drug Price na umaabot sa Php 19,984.00.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Narciso Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon at pagsasailalim sa chain of custody. Ito ay upang matiyak ang integridad at seguridad ng ebidensya bago ito ihain sa korte.
Nahaharap na ngayon ang suspek sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Hinihikayat namin ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa awtoridad upang tuluyang masawata ang iligal na droga sa ating komunidad. Ang inyong suporta ay malaking tulong upang ang mga lumalabag sa batas ay maparusahan,” pahayag ni PCPT ORLEE S SILVIDO, OIC ng San Narciso MPS.
Nanawagan din ang San Narciso MPS sa sinumang may impormasyon tungkol sa iligal na droga at iba pang krimen sa kanilang nasasakupan na agad itong i-report sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.



