BOC-NAIA, Nakasamsam ng ₱800-K na Ilegal na Droga; May Ari ng Parcela, Arestado

Pillars Central News
2 Min Read

PASAY CITY – Muling nagtagumpay ang Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagharang ng isang parcel na galing Estados Unidos na naglalaman umano ng methamphetamine o shabu na nagkakahalaga ng higit ₱800,000 sa Central Mail Exchange Center (CMEC) nitong ika-20 ng Pebrero, 2026.

Napansin ang parcel sa isang routine inspection matapos makita ang hindi pagkakatugma sa nakasaad na laman nito at sa aktuwal na itsura ng package. Sa isinagawang physical examination, nakumpirma na ang laman nito ay ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱822,800 sa pamilihan.

Kaagad namang inaresto ang isang indibidwal na nag-claim ng parcel sa CMEC window matapos madiskubre ang laman nito.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mahigpit ang kanilang profiling at inspection protocols. “Sa BOC, bahagi ng aming mandato na siguraduhin na walang ilegal na droga ang makakapasok sa bansa. This is our duty, and we are always alert to protect the public,” pahayag ng commissioner.

Ang nasamsam na droga at ang naarestong suspek ay agad na isinailalim sa kustodiya ng PDEA para sa karampatang disposisyon at imbestigasyon. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Sa pangunguna ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, muling pinagtibay ng BOC-NAIA ang kanilang commitment sa profiling, mahigpit na inspeksyon, at pagsisiguro na ang lahat ng papasok na shipments ay sumusunod sa batas ng Pilipinas, na binibigyang-diin ang papel ng ahensya sa pangangalaga ng kalusugan ng publiko at seguridad ng bansa.

TAGGED:
Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *